8 Aeta minaltrato ng trader
TUGUEGARAO CITY, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng isang negosyanteng babae matapos na arestuhin ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development sa kasong human trafficking at paglabag sa RA No. 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Distrimination Act) laban sa walong katutubong Aeta sa bayan ng Alicia, Isabela.
Nakapiit ngayon sa Bureau of Jail Management and Penology sa Cauayan ang suspek na si Amelia Salvador ng Barangay Antonino kaugnay sa kasong pagmamaltrato sa walong Aeta kabilang na ang anim na menor-de-edad mula sa bayan ng San Marcelino, Zambales.
Sa ulat ni Municipal Social Welfare Officer Gladys Ragasa, ang mga katutubong Aeta ay pinagtrabaho sa junkshop ni Salvador sa kalapit na irrigation canal.
Ayon pa kay Ragasa, bukod sa mala-kulungan ng baboy na tulugan, ang mga katutubo ay sumusuweldo lamang ng P1,000 kada buwan ang mga bata at P1,500 naman sa dalawang matanda.
Nabatid na ang mga katutubo ay sinasabing nirekrut ng isang Connie Fredo sa bayan ng San Marcelino kung saan sila pinangakuan ng trabaho sa duck farm sa Bulacan subalit sa junk shop ni Salvador ibinagsak.
Nasa kustodiya ngayon ng lokal na sangay ng DSWD ang mga katutubo at inaasahang makababalik sa kanilang pamilya matapos ang dalawang buwang nahiwalay.
- Latest
- Trending