Nanggulpi sa anak, kinatay ng tatay!

MACALELON, Quezon, Philippines - Minsan pang napatunayan na walang amang nakatitiis kapag nakitang nasasaktan ang anak nang katayin ng isang 46-anyos na mister ang 20-anyos na lalaki naaktuhang gumugulpi sa kanyang anak kamakalawa ng gabi sa Sitio Townsite. 2, Barangay Luctob ng bayang ito.
Nakapiit na sa municipal jail at nahaharap sa kasong homicide si alyas “Norman” na suspek sa pagpatay sa biktimang si alyas “Edmar”.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, alas-10:10 ng gabi ay nakita ni Norman na pinagsususuntok ng biktima ang kanyang panganay na anak na si Patrick kaya’t nilapitan niya si Edmar upang awatin.
Gayunman, nagpatuloy ang biktima sa pambubugbog kung kaya binunot ng suspek mula sa kanyang beywang ang isang gulok at inundayan ng saksak sa likod ang una.
Matapos isagawa ang krimen, iniwan ang duguan at nakahandusay na biktima at umuwi sa kanilang bahay ang suspek kasama ang anak.
Nadala pa sa Gumaca District Hospital ang biktima subalit idineklarang dead-on-arrival.
Naaresto naman ang suspek kalaunan sa follow-up operation ng pulisya.
- Latest
















