MANILA, Philippines - Isang Korean national ang nahuli ng mga awtoridad matapos itong maaktuhang nagmamaneho ng hot car sa Mabolo, Cebu City kamakalawa. Base sa report , kinilala ni PNP- Highway Patrol Group (PNP-HPG) Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina ang nasakoteng suspek na si San Hak Han. Ayon sa imbestigasyon, bandang alas- 6 ng gabi ng maharang ng mga operatiba ng HPG Cebu City na nagsasagawa ng anti-carnapping operations ang behikulo ni Han na isang Nissan X-Trail (ZGN 185) dahilan sa paglabag sa batas trapiko sa kahabaan ng Mabolo ng lungsod na ito. Sinabi ni Espina na walang maipakitang drivers license si Han at wala rin itong hawak na mga dokumento ng nasabing sasakyan kaya isinailalim sa kustodya ng pulisya para maimbestigahan. Sa isinagawang beripikasyon, nabatid na ang nasabing behikulo ay orihinal na pag-aari ni Samira Datucan ng #1436 Quintos St., Sampaloc, Manila na nakarnap may ilang buwan na ang nakalilipas na nabili naman umano ng Koreano sa isang dealer sa murang halaga. Iniimbestigahan pa ang kasong ito.