5.2 lindol sa Bukidnon: 39 sugatan
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa milyong halaga ng ari-arian ang napinsala habang aabot naman 39-katao ang naitalang nasugatan matapos yanigin ng malakas na lindol ang Valencia City sa Bukidnon noong Lunes ng hapon.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, kinilala ang tatlo sa 15 sugatan na sina Marife Caseres, 35; Gerald Caseres, 3; at si Daisy Suarez, 29, pawang naisugod sa Abella Hospital.
Nabitak ang mga pader ng mga shopping mall, hospital at mga establisyemento matapos yanigin ng 5.2 magnitude ang nasabing lungsod kung saan nagkabalyahan ang mga mamimili sa mga mall habang ang iba naman ay natapilok sa pagtakbo kung saan nagdulot din ng blackout.
Ang epicenter ng lindol ay namonitor sa Malaybalay City, Cotabato Trench at Moro Gulf kung saan naramdaman ang intensity 5 sa Valencia City, intensity 3 sa Quezon at Malaybalay City; intensity 2 sa Cagayan de Oro City at intensity 1 naman sa Hibok-Hibok.
Aabot naman sa 40 pasyente ang inilikas mula sa Sanitarium Hospital sa kasagsagan ng pagyanig habang 23 bahay sa Purok 20A, Brgy. Poblacion sa Valencia City ay napinsala.
Samantala, sa ulat ng Office of Civil Defense Region 10 napinsala rin ang Roy Plaza Shopping Complex, Gaisano Mall, Baoseng Enterprises sa Cagayan de Oro City, Valencia Sanitarium Hospital at ilang grocery stores.
Kasunod nito, minobilisa na ni 4th Infantry Division chief Major Gen. Victor Felix ang Army’s 403rd Infantry Brigade para tumulong sa mga residenteng naapektuhan.
- Latest
- Trending