Pulis pinabulagta ni misis

KIDAPAWAN CITY, Philippines — Binaril at napatay ang isang pulis ng kanyang misis na pulis din matapos ang mainitang pagtatalo sa loob ng bahay sa General Santos City kahapon ng madaling-araw.

Nasapol sa ulo ang biktimang si PO1 Danson Bañas, nakatalaga sa Police Precinct No. 8 sa Gene­ral Santos City kung saan naisugod pa sa GenSan Doctor’s Hospital subalit idineklarang patay.

Nahaharap naman sa kasong parricide ang suspek na si PO1 Rowena Bañas, nakatalaga bilang driver/aide ni deputy city PNP for Operations Col. Rolando Octavio ng PNP Region 12.

Sa imbestigasyon, dakong alas-3 ng madaling-araw nang magkainitan ang mag-asawang pulis sa bahay ng mga magulang ng suspek sa Zone 2 B, Barangay Bula.

Nabatid sa ulat na ilang buwan ng hiwalay ang mag-asawa kung saan pinaniniwalaang matinding selos ang umiral sa lalaki.

Lumilitaw na nagtungo ang biktima sa nasabing bahay para kausapin ang kanyang misis subalit nauwi sa mainitang pagtatalo na humantong sa pa­mamaril.

Hindi naman natukoy sa ulat ang pinag-aawayan ng mag-asawa.

Show comments