CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Dalawa katao kabilang ang isang parak ang nasawi matapos na magbanggaan ang isang motorsiklo at kasalubong nitong tricycle sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Cabid-an, Sorsogon City kahapon ng umaga.
Kapwa hindi na umabot pa ng buhay sa St. Peter and Paul Hospital ang mga biktimang sina PO2 Joel Penaredondo 34, may asawa, nakatalaga sa Barcelona Municipal Police Station at pasahero ng tricycle na si Ernesto Doe, nasa hustong gulang at residente ng naturang lugar.
Samantalang ang mga nasugatan ay nakilala namang sina Arnel Cervantes, driver ng tricycle; mga pasahero nitong sina Lourdes Paje at Raul Escudero, 4-taong gulang.
Batay sa ulat ng pulisya, ang aksidente ay naganap dakong alas-5 ng umaga habang ang pulis na biktima ay sakay sa kanyang motorsiklo na XRM na may plate no. EC- 9010 patungo na sa kanilang himpilan upang mag-duty ito.
Nang pagdating sa lugar ng makasalubong nito ang tricycle naman at magsalpukan ang dalawa sa gitna ng kalsada na kung saan ang mga pasahero naman ng tricycle ay tumilapon dahil sa lakas ng banggaan. Ang kasong ito ay patuloy na iniimbestigahan.