MANILA, Philippines - Nasilat ang panghoholdap sa sangay ng Metrobank matapos madakma ang apat na armadong kalalakihan kabilang ang lider ng grupo sa isinagawang operasyon sa Ozamis City kamakalawa. Kinilala ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group director P/Chief Supt. Samuel Pagdilao ang mga suspek sa robbery /holdup gang na sina Jimmy Parami, 43, lider ng grupo; Rolando Sapnoy, 36; Niel Ranin, 35; at si Dullie Jul, 25. Nasamsam sa mga suspek ang M16 rifle na may apat na magazine, 50-bala, bandolier, cal .45 na may magazine at limang bala. Dakong alas-2 ng hapon nang makatanggap ng impormasyon ang hepe ng 10th Regional Criminal Investigation and Detection Unit na si P/Senior Supt. Noli Romana kaugnay sa presensya ng mga armadong lalaki sa sangay ng Metrobank sa Rizal Avenue. Kaagad naman rumesponde ang mga operatiba ng CIDG at nasakote ang mga suspek habang aktong papasukin ang nasabing bangko para holdapin.