MANILA, Philippines- Naging mitsa ng kamatayan ng isang lider ng tribo ang paglusob nito sa isang pinag-aagawang lupain matapos na mabaril ito ng isa sa mga security guard sa Brgy. Nipoo, Dinalungan, Aurora kamakalawa. Kinilala ang nasawing biktima na si Arman Maximo, lider ng mga katutubong Dumagat na namuno sa pag-atake sa mga security guard. Arestado naman ang security guard na isinasailalim sa imbestigasyon upang alamin kung sino ang nakabaril sa biktima mula sa grupo nina Rey Amar, Alfredo Noveras, Alfredo de los Santos; pawang ng Fast Tech Security Management Inc. Sa report ng Police Regional Office (PRO) 3, bandang alas-9:45 ng gabi nang lusubin ng isang grupo ng mga armadong tribo na pinamumunuan ni Maximo ang naturang lupain na binabantayan naman ng mga sekyu sa Sitio Delibsong, Brgy. Nippo, Dinalungan ng nasabing lalawigan. Agad na nagpaputok habang lumulusob sina Maximo gamit ang improvised na pistola bunsod upang barilin ito ng isa sa mga guwardiyang nagbabantay sa lupain na pag-aari ng negosyanteng si Earl Guerrero. Napilitan namang umatras ang mga kasamahan ni Maximo matapos na makitang duguan itong bumulagta sa insidente at napayapa lamang ang tensyon ng magresponde ang mga operatiba ng pulisya.