3 dayuhan tiklo; 42 sex workers nasagip
MANILA, Philippines- Nailigtas ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang 42 kababaihang nagbebenta ng panandaliang-aliw habang arestado rin ang lima katao kabilang ang tatlong dayuhan sa operasyon sa isang night club sa Balibago, Angeles City, Pampanga kamakalawa.
Kinilala ni PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr., ang mga nasakoteng dayuhan na sina Barry Burston, 69 anyos; Raymond Anderson, 57; pawang Australian national at Michael Watt, 59, New Zealander.
Arestado rin sa operasyon ang mga kasabwat nitong Pinay na sina Judith Pajaron, 38-anyos at Rossana Almeira, 22; pawang ng Mabalacat, Pampanga at nagtatrabahong mga floor managers sa club habang wala naman ang may-ari nitong si Marites Relos ng isagawa ang raid.
Sinabi ni Pagdilao na bandang alas-9 ng gabi ng salakayin ng CIDG Task Force Maverick at CIDG- Women and Children Protection Division ang Sweet Girl Honey Pot night club na matatagpuan sa kahabaan ng Fields Avenue, Balibago, Angeles City.
Sinabi ni Pagdilao na ang operasyon ay alinsunod sa pinalakas na kampanya laban sa human trafficking na ipinag-utos ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo. Ang mga sex workers ay ni-recruit pa mula sa mga lalawigan ng Biliran, Leyte, Catarman at Samar.
Isinagawa ang raid ayon sa opisyal matapos na magreklamo si Ledillia Cortez ng Camp O’Donnel, Capas, Tarlac sa CIDG hinggil sa pagkawala ng 17-anyos nitong pamangking babae na puwersahang pinagtatrabaho sa nasabing club para magbenta ng aliw kapalit ng P1,500.00 kada customer na umano’y sa may-ari nito napupunta.
Nag-text umano kay Cortez ang kaniyang pamangkin at humingi ng tulong na mailigtas kasama ang iba pang mga kababaihang karamihan ay menor-de-edad na bantay sarado sa lugar upang hindi makatakas. Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang mga suspek.
- Latest
- Trending