13-anyos nagtampo sa ina, nagbigti
CEBU CITY, Philippines – Dinamdam ng isang 13-anyos na mag-aaral ang ginawa ng kanyang mga magulang na inenrol siya sa public school kaysa pribadong eskuwelahan kaya nagdesisyong magbigti sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Cogon-Pardo sa Cebu City, Cebu noong Lunes ng hapon.
Natagpuan ang katawan ng biktima na nakabitin sa kisame ng kanilang bahay sa Sitio Manzanitas sa nabanggit na barangay kung saan isang araw bago ang kaarawan nito.
Kaagad naman ibinaba ang katawan ng biktima sa pagkakabigti saka dinala sa Cebu City Medical Center subalit idineklarang patay.
Sa salaysay ng ina sa pulisya, lumilitaw na pinagsabihan ng biktima ang kanyang ina na itigil ang pag-eenrol sa kanya sa public school at gusto nito sa private school subalit hindi pumayag ang ina dahil na-process na ang mga papeles sa pinag-enrolan noong Lunes.
“Ganahan daw siya og private school kay hina-hina siya og utok. Na-is daw siya sa iyang ate na mas bright pa sa iyaha,” pahayag ni PO2 Jodan Batucan.
Pinabulaanan naman ng mga magulang ang ulat sa radio station na minamaltrato nila ang biktima.
“Wala tawon na namo gi-daog-daog. Angay among tratar sa among mga anak,” pahayag ng ama ng biktima.
Narekober ng pulisya ang suicide note na nakasulat sa dalawang notebook pages, kung saan nakasaad ang pagkadismaya ng biktima na hindi siya inenrol sa private school.
Sa ibabaw ng kabaong ng biktima ay inilagay ang paboritong ice cream kung saan ihahanda sana sa kanyang kaarawan kamakalawa. Freeman News Service at Joy Cantos
- Latest
- Trending




















