Tricycle driver todas sa sampal ng kabaro

MANILA, Philippines — Patay ang isang tricycle driver matapos sampalin ng kapwa tricycle driver na kanyang pinagbintangan na nakapulot ng nawawala niyang bag sa kanilang terminal sa Quezon City, nitong Lunes ng hapon.
Hindi na naisalba pa ng mga doktor sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si alyas “Nerza”, 64, may asawa, ng Ilagan St., Brgy. Paltok, Quezon City habang nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na si alyas “Laurio”, 34, isa ring tricycle driver, na kapitbahay din ng biktima.
Sa ulat ng Masambong Police Station (PS-2) ng Quezon City Police District (QCPD), alas-9:10 ng gabi noong Linggo (November 15), nang mangyari ang insidente sa terminal ng tricycle sa kanto ng Kundiman at Ilagan Sts., Brgy. Paltok, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PMSg Rainer Robert Abundo ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, nag-ugat ang krimen sa nawawalang bag na naglalaman ng pera ng biktima.
Kinompronta umano ni Nerza ang suspek at inakusahan na nakapulot ng kanyang bag. Nauwi ito sa pagtatalo hanggang sa sampalin ng suspek ang biktima dahilan upang mawalan ng balanse, tumumba saka tumama ang ulo sa semento, at nawalan ng malay.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa suspek.
- Latest


















