MANILA, Philippines - Lumobo na sa 500-katao ang dumanas ng diarrhea sa lumalalang cholera outbreak sa bayan ng Bataraza, Palawan, ayon sa opisyal kahapon.
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot na sa 562 katao ang dinapuan ng diarrhea.
Ayon sa NDRRMC, tumaas mula sa naitalang 430 kaso ng diarrhea noong Abril 12 taliwas naman sa pahayag ng Department of Health na kontrolado na ng lokal na health officials ang pananalasa ng cholera.
“Cases continue to increase with the last case reported on April 17,” ayon sa ulat ng NDRRMC kung saan nasa 20-katao ang nasawi habang 90 iba pa ang ginagamot sa ospital.
Sa 22 barangay sa bayan ng Bataraza, aabot na sa17-katao ang apektado ng outbreak habang pinakamatinding tinamaan ay ang Brgy. Culandanum na nasa 52.28% ang diarrhea cases, sinundan ng mga Barangay. Tarusan at Barangay Rio Tuba.
Karamihan sa apektado ng diarrhea ay mga katutubong Palao-an na may edad isang-buwang gulang hanggang 90-anyos.
Nabatid na naobserbahan ng mga health worker sa mga barangay na sinalanta ng cholera ay nakaugaliang ilibing ang mga bangkay ng kanilang kamag-anak ay malapit sa pinagkukunan ng tubig-inumin habang ang mayorya ay sa mga ilog lamang umiinom.
Wala ring maayos na palikuran ang mga residente kaya kung saan-saan itinatapon ng mga residente ang kanilang dumi at bihirang pinapakuluan ang inuming tubig.
Magugunita na ang cholera outbreak na unang naitala sa mahigit 200-katao ay nagsimula noong Marso 2011.