CEBU CITY, Philippines — Pinaniniwalaang dinamdam ng isang 13-anyos na batang lalaki ang panenermon ng kaniyang ina sa mababang grado kaya nagdesisyong magbigti sa kanilang tahanan sa Barangay Upper Lipata sa bayan ng Minglanilla, Cebu kamakalawa ng umaga.
Bandang alas-9:45 ng umaga nang madiskubre ng nakababatang kapatid ang pagpapakamatay ng biktima sa harapan ng pintuan ng palikuran.
Nagsisigaw naman ng iyak sa paghingi nang tulong sa kanilang mga kapitbahay at kamag-anak ang bunsong kapatid ng biktima pero idineklara na itong patay sa Minglanilla District Hospital.
Ayon kay SPO1 Renato Masangcay, nagbigti ang biktima gamit ang nylon rope kung saan itinali sa kisame ng kanilang bahay na may 8-talampakan ang taas mula sa sahig.
Lumilitaw din sa imbestigasyon na bago umalis para pumasok sa trabaho sa pawnshop sa Talisay City ang ina ng bata ay pinagalitan ang anak dahil sa mababang markang 78 bilang general average grade lamang ang nakuha nito na labis na ikinagalit ng ina na sinasabing pinagmumura ang anak.
Nabatid na ang biktima ay 1st year high school student sa Immaculate Heart of Mary Academy sa Barangay Ward 4.
Sinasabing gusto ng ina na mag-apply ng scholarship para sa kanyang anak sakaling nakakuha ng general average na 80.
Nabatid na ang ama ng bata ay OFW at palaging pinagsasabihan ang magkapatid ng kanilang ina na dapat mataas ang kanilang marka dahil pinaghihirapan nilang mag-asawa ang mataas na tuition fee ng mga ito sa pribadong paaralan sa kanilang bayan. Freeman News Service at Joy Cantos