Inuman niratrat: Parak utas, 2 pa grabe

MANILA, Philippines - Patay ang isang pulis habang dalawa pa ang nasugatan kabilang ang isang retiradong Army Colonel makaraang paulanan ng bala ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan habang nag-iinuman sa Calamba City, Laguna nitong Huwebes ng gabi. Kinilala ang nasawing biktima na si SPO2 Julian Piamonte, 49-anyos, aktibong miyembro ng Laguna Provincial Police Office (PPO). Ang mga nasugatang sina ret. Col Rolando Siyang, 56-anyos  at Rogelio Laririt, 56-anyos ay kapwa isinugod sa Jose P. Rizal Memorial Hospital para malapatan ng lunas. Sa ulat ni Laguna Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Gilbert de la Cruz, bandang alas-8:30 ng gabi habang nag-iinuman ang mga biktima sa Pamana Homes, Brgy. Bucal ng lungsod na ito nang ratratin ng mga salarin na lulan ng dalawang van na hindi nakuha ang plaka.Narekober naman ng mga nagrespondeng awtoridad sa crime scene ang 50 basyo ng bala ng iba’t ibang uri ng mga armas. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa motibo ng krimen.

Show comments