Ex-professor tiklo sa 32 counts ng rape
ANGELES CITY, Pampanga, Philippines – Nagwakas ang mahabang panahong pagtatago sa batas ng isang 51-anyos na ex-professor na may kinakaharap na kasong 32 counts ng rape sa Angeles City matapos ipa-deport mula sa Saudi Arabia noong Lunes ng hapon.
Escorted pa ng mga Interpol agent nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang suspek na si Arnel Atienza Ocampo na dating professor sa Holy Angel Universtiy (HAU) sa nabanggit na lungsod na 5-warrant of arrest kung saan dalawa dito ay walang piyansa.
Si Ocampo ay nasa custody ng National Bureau of Investigation at inihahanda na ang kaukulang papeles para ilipat at humarap sa sala ni Judge Angelica Paras-Quiambao ng Angeles City Regional Trial Court.
Base sa tala, si Ocampo ay kinasuhan ng 32 counts of rape ng dati niyang estudyante na noo’y 16-anyos noong 2008.
Bago pa nailabas ang warrant of arrest noong Nobyembre 2009 ay tumakas patungong Jeddah si Ocampo noong Mayo 28.
Noong Pebrero 2010 ay inilagay ng Interpol ang pangalang ni Ocampo sa “red list” na kinaklasipika siya bilang wanted person worldwide kung saan kinansela ng Department of Foreign Affairs ang kanyang pasaporte noong Abril.
Noong Agosto 2010, inatasan ni DoJ Sec. Leila de Lima ang NBI na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan sa Jeddah, Saudi Arabia para maaresto si Ocampo kung saan ito nakakulong.
Kasunod nito, isusulong naman ng mga magulang ng biktima ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa ilang opisyal ng HAU na naging pabaya sa pagkuha kay Ocampo bilang professor na sinasabing may nakaraang record ng pangmomolestiya sa ibang eskuwelahan sa bayan ng Magalang.
Ayon sa ama ng biktima, si Ocampo ay sinuspinde lang ng 3-buwan at noong Marso 28, 2009 ay tuluyang sinibak sa nasabing unibersidad dahil na rin sa pressure ng grupo ng Gabriela at mga mamamahayag. Phil. Star News Service
- Latest
- Trending