P.3M narra nasamsam
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines – Nalalagay sa balag ng alangin ang dating vice mayor na sinasabing nasa likod ng illegal logging matapos masabat ng mga element ng militar ang P.3 milyong halaga ng narra sa checkpoint sa Barangay Calanan, Tabuk City, Kalinga noong Biyernes ng madaling-araw.
Sa naantalang ulat ng 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela, umaabot sa 3,700 board feet na mga narra ang nasabat ng 77th Infantry Battalion sa pangunguna ni M/Sergeant Roberto Antonio sa checkpoint ng militar sa nabanggit na barangay.
Base sa police report, naharang ng mga elemento ng militar ang trak (PHW 994) na minamaneho ni Joel Palyan, kasama ang mga pahinanteng sina Jun Panglayan at Mark Olinares na kapwa nakatira sa Bulanao, Kalinga.
Nabatid na walang maipakitang kaukulang papeles si Palyan sa kanyang kargamentong narra.
Gayon pa man, ayon sa isang mataas na opisyal ng pulisya sa Cordillera, nakilala ang may-ari ng iligal na kahoy na dating lokal na opisyal ng Mt. Province.
Sa tala ng AFP at PNP, noong September 2008 nasabat ng mga awtoridad ang tatlong truckload na puno ng iligal na kahoy sa hangganan ng Isabela at Mt. Province.
- Latest
- Trending