QUEZON, Philippines — Nagmistulang karne ng baboy ang katawan ng isang 39-anyos na obrero na sinasabing naaktuhang nakikipagtalik sa misis ng kanyang bayaw matapos na pagtatagain sa Sitio Gipa, Barangay Cangculajao sa bayan ng Catanauan, Quezon kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang napaslang na si Jose Opeda ng Barangay 10, habang sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Edwin Mantala, 34. Ayon kay SPO2 Isagani Gonzales, dumating sa kanilang tahanan ang suspek nang magulantang ito sa nakitang tagpo sa loob ng kanilang kuwarto na nakakubabaw sa kanyang misis ang bayaw. Dito na nagdilim ang paningin ng suspek kung saan hinabol ang papatakas na bayaw saka pinagtataga matapos abutan.