4 katao kinidnap ng Sayyaf
MANILA, Philippines - Bumanat muli ang mga bandidong Abu Sayyaf makaraang kidnapin ang apat-katao sa naganap na magkahiwalay na insidente sa Basilan at Sulu kamakalawa.
Kinilala ni P/Director Felicisimo Khu ang mga bihag na sina Renato Panisales, boat captain, Wennie Ferrer, asst. engineer; Quarter Master Jonald Oscimar, at si Rolando dela Cruz, katiwala sa Cawley Restaurant na pag-aari ni Charlie Cawley.
Ayon sa ulat, sina Panisales, Ferrer at Oscimar ay dinukot matapos harangin ang kanilang bangkang pangisda ng Mega Fishing Company na nakabase sa Zamboanga City sa karagatan malapit sa Menes Island, Sulu.
Ilang oras matapos ang insidente, ay nagawang kumontak kinabukasan ng umaga ang tatlo sa kumpanya ng Mega Fishing at ipinabatid na hawak sila ng mga Abu Sayyaf Group.
Samantala, si Dela Cruz naman ay dinukot sa kahabaan ng Aguinaldo Street sa Barangay Matibay, Lamitan City, Basilan noong Lunes ng madaling-araw
Narekober naman ng mga operatiba ng pulisya ang sunog na multicab ng biktima sa Sitio Lagasan, Brgy. Kulay Bato kung saan namataang tumakas ang mga bandido sa direksyon ng Sitio Libi, Brgy. Bulanting.
Natukoy sa imbestigasyon na grupo ni Abu Sayyaf Commander Nurhasan Jamiri kasama sina Ustadz Salim Tado at alyas Pula ang nasa likod ng pagbihag kay Dela Cruz.
- Latest
- Trending