NPA attack: 2 bus sinunog, 2 driver patay
MANILA, Philippines - Sumalakay ang pito hanggang siyam na mga armadong pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) at sinunog ang dalawang pampasaherong bus na ikinasawi rin ng dalawang driver nito sa malagim na insidente sa bayan ng Almeria, Biliran nitong Sabado ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, halos hindi na makilala ang nagmistulang uling na mga bangkay ng mga biktimang sina Arnel Montano, 34 ng Northern Samar at Edwin Bargula, 47, ng Sorsogon City; kapwa driver ng Silver Star Bus.
Natukoy naman na mga rebeldeng NPA na nangingikil ng revolutionary tax ang nasa likod ng karumaldumal na insidente.Tinatayang nasa P14 M rin ang pinsala sa insidente.
Base sa imbestigasyon, bandang ala-1 ng madaling-araw ng sumulpot sa lugar ang siyam na armadong lalaki na lulan ng tatlong motorsiklo sa Brgy. Talahid sa bayan ng Almeria.
Ang naturang mga bus na may mga plakang TYL-287 at TYR-833 na pag-aari ng Silver Star Bus Company ay nakaparada sa tapat ng tahanan ni Brgy. Chairman Joaquin Sabitsara sa lugar at siyang caretaker ng naturang mga bus na biyaheng Biliran-Manila.
Agad umanong pinagbabaril ng mga suspek ang dalawang driver na noo’y natutulog sa loob ng mga bus na kanilang minamaneho at kasunod nito ay binuhusan ng gasolina ang behikulo saka sinilaban.
Sa follow-up operations ay nasakote naman ang dalawang driver ng habal-habal na sinakyan ng mga rebelde matapos na maharang sa checkpoint na kinilalang sina Teodoro Macalalad at Jessie Oledan habang patuloy ang pagtugis sa kanilang mga kasamahan.
Samantala, sinunog din ng mga NPA ang isang truck ng DOLE Philippines na puno ng kargang saging matapos itong harangin sa highway sa hangganan ng Brgy. Amontay, Marihatag at Brgy. Pontod, San Agustin, Surigao del Sur kamakalawa ng hapon.
Naganap ang insidente sa nasabing lugar bandang alas-5:45 ng hapon. Walang nagawa ang driver at pahinante ng truck matapos na tutukan ng baril ng mga armadong rebelde.
Lumilitaw na pangingikil din ng revolutionary tax laban sa DOLE Philippines ang motibo ng panununog.
- Latest
- Trending