Super Health Center binuksan sa Lumban, Laguna
MANILA, Philippines — Upang mailapit ang mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa mga komunidad, pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go, adopted son ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), ang pagpapasinaya sa bagong Super Health Center sa Lumban, Laguna noong Martes.
Sa naturang okasyon, pinarangalan din si Senator Go bilang “adopted son” ng Lumban, Laguna, bilang pagkilala sa kanyang walang tigil na suporta sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Nagpasalamat ang senador sa mga lokal na opisyal ng Lumban sa kanilang tiwala at suporta, kabilang sina Mayor Rolando Ubatay, Vice Mayor Belen Raga, at mga miyembro ng lokal na konseho, bukod sa iba pa.
Iginiit ni Go, chairperson ng Senate committee on health, ang kahalagahan ng pagtatayo ng mas maraming Super Health Centers bilang bahagi ng kanyang pangako sa pagpapalakas ng healthcare system sa bansa, partikular sa grassroots community.
Layunin ng Super Health Center na bawasan ang pagsisikip sa mga ospital sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang serbisyong medikal tulad ng primary care, consultations, at early disease detection.
Sa pagtutulungan ni Senator Go at mga kapwa mambabatas, kasama ang Department of Health (DOH) at local government units, inilaan ang sapat na pondo para sa pagtatayo ng mahigit 700 Super Health Centers sa buong bansa. May 13 nang matatagpuan nito sa Laguna.
Ayon sa DOH, 323 centers na ang naitayo at operational sa ngayon.
- Latest