Navy namaril bago nag-suicide
MANILA, Philippines - Pinagbabaril muna ang mag-asawa bago nag-suicide ang isang naburyong na Navy personnel sa Naval Forces West Village sa Barangay San Miguel, Puerto Princesa City, Palawan kamakalawa.
Ayon sa tagapagsalita ng Phil. Navy na si Captain Giovanni Carlo Bacordo, nasawi sa AFP-Westcom Hospital si Maria Santiago habang nakikipaglaban naman kay kamatayan sa Adventist Hospital si Jose Santiago, 48, retiradong Navy Chief Petty Officer.
Samantala, nasawi si Chief Petty Officer Manuel Quiano ng Philippine Navy matapos magbaril sa sentido.
Batay sa police report, naganap ang krimen sa tahanan ng mag-asawang Santiago.
“Apparently nagsangla ng baril si Quiano to CPO Santiago, kinukuha na, he is suffering from diabetes and he needs money for medication, eh walang pantubos, siyempre ayaw namang ibigay nung lalaki that triggered the shooting,” ani Bacordo.
Sa salaysay ng kapitbahay na si Gregorio Bautista, nagawa pang makatakbo palabas ng kanilang tahanan si Jose na kumatok sa kanilang bahay habang sinasapo ang duguang tiyan. Ilang saglit pa ay umalingawngaw muli ang malakas na putok ng baril kung saan biglang nagbaril sa sarili si Quiano na hindi na umabot ng buhay sa ospital.
- Latest
- Trending




















