108,699 apektado ng abo ng Mt. Bulusan
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 108,699 residente ang naapektuhan sa pagbuga ng makapal na usok ng Mt. Bulusan sa Sorsogon, ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council kahapon.
Ayon kay NDRRMC executive director Benito Ramos, nasa 15 barangay ang naapektuhan sa bayan ng Irosin, 17 sa Bulan, 5 sa Juban at maging sa kanugnog na lugar sa Masbate City, Masbate.
Base sa ulat aabot sa 32,309 katao ang apektado sa mga Barangay San Pedro, Bagsangan, Tinampo, Cogon, Bolos, Gulang–Gulang, Monbon, Gabao, Bulawan, Tongdol, Gumapla, Batang, San Isidro, Casini, Salvacion, Buenavista at sa Barangay Macawayan sa bayan ng Irosin.
Samantala, 75 pamilya naman (319 katao) ang inilikas sa Gallanosa National High School habang sa bayan ng Bulan ay nasa 59 barangay na aabot sa 76,390 katao.
Nabatid na muling nagbuga ng abo at makapal na usok ang Mt. Bulusan matapos ang pananahimik ng ilang linggo.
Bunga ng nilikhang epekto ng abo ay suspindido ang mga klase sa mga apektadong lugar partikular na sa bayan ng Irosin at sa Masbate City.
Nabatid na 19-beses nagbuga ng makapal na usok ang Bulusan volcano simula noong Lunes ng umaga kung saan aabot sa 3-kilometro ang taas nito sa ere.
- Latest
- Trending