Factory worker lagos sa killer trak
QUEZON , Philippines — Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 36-anyos na factory worker na nag-test drive lamang ng motorsiklo makaraang masagasaan at makaladkad ng trailer truck sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Sto.Cristo sa bayan ng Sariaya, Quezon, kamakalawa ng umaga.
Nagkadurug-durog ang katawan ni Rex Gerolda ng San Pedro, Laguna habang nadakip naman ng pulisya ang drayber ng trak na si Melchor Chavez, 42, ng Lucena City, Quezon.
Ayon kina PO2 Alnor Tagara at PO1 Reynaldo Delina, nakamotorsiklo ang biktima mula sa bayan ng San Pedro, Laguna patungong Bicol nang mag-overtake sa trailer truck ni Chavez.
Subalit nailang ito sa kasalubong na pampasaherong jeepney kaya tinangkang bumalik sa linya hanggang sa sumabit sa tagiliran ng trailer.
Dito na natumba ang motorsiklo at masagasaan kung saan nakaladkad pa ng may 50 metro ang biktima saka na lang huminto ang trak matapos na napansin ng drayber ang insidente.
- Latest
- Trending