Magkasintahan, 1 pa minasaker

MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa nalalapit na pagpapakasal ng magkasintahan kung saan nadamay din ang pinsang ng babae makaraang tadtarin ng saksak ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan na sinasabing lango sa bawal na droga sa Barangay Binakayan, sa bayan ng Kawit, Cavite.

Base sa police report, kabilang sa minasaker ay ang magkasintahang sina Edgar Zerida, at Cristy Sa­ro­mo, 36, negosyante, habang nadamay din sa pamamaslang si Dennis Panganiban, 20, estudyante.

Nabatid na si Zerida na isang marino ay umuwi para magpakasal ngayong buwan kay Saromo.

Nadiskubre ang mga bangkay ng tatlo kahapon ng umaga sa loob ng kanilang tahanan sa Bautista Compound sa Barangay Tramo.

Ayon pa sa ulat, nakaga­pos ang mga kamay at pinuluputan pa ng packaging tape ang bahagi ng mata, ulo at mukha ng tatlo bago pinagtulungang saksakin.

Lumilitaw sa pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na may apat hanggang limang araw ng patay ang mga biktima matapos na hindi makadalo si Cristy sa paanyaya ng mga kaibigan sa gaganaping salu-salo noong Sabado kaugnay ng nalalapit na pagpapakasal kay Edgar.

Maging ang tawag sa telepono ng tiyahin ni Cristy na si Lolita Solis ay hindi rin sinasagot kaugnay sa detalye sa kasal ng magkasintahan.

May teorya ang mga imbestigador ng pulisya na pagnanakaw ang pangunahing motibo ng krimen dahil nawawala ang mga alahas, salapi at iba pang mga kagamitan partikular na ang mga dalang pasalubong ni Edgar.

Show comments