Publisher-Editor binugbog
MANILA, Philippines - Halos nagsara ang mata at duguan ang ulo ng isang lokal na publisher-editor ng pahayang The Guardian matapos itong kuyugin at pagbubugbugin ng dalawang hindi pa nakilalang lalaki sa labas ng tanggapan nito sa Iloilo City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 6 Director Chief Supt. Cipriano Querol ang biktima na si Lemuel Fernandez, publisher-editor ng the Daily Guardian.
Kasabay nito, bumuo na si Querol ng Task Force Daily Guardian upang imbestigahan ang insidente, arestuhin at panagutin sa batas ang mga suspek.
Sa salaysay ni Fernandez sa mga imbestigador, naganap ang insidente sa labas ng tanggapan ng The Guardian sa kahabaan ng MH del Pilar St., Brgy. Taal, Molo District, Iloilo City bandang alas-9:40 ng gabi.
Dalawang hindi nakilalang lalaki ang umano’y bigla na lamang sinugod, pinagsisipa at pinagsusuntok ang nasorpresang biktima.
Ang biktima ay nagtamo ng malalim na sugat partikular na sa kanang bahagi ng kaniyang ulo, mata at iba pang bahagi ng katawan at ngayo’y halos hindi makagulapay sa St. Paul ‘s Hospital sa lungsod.
“His (Fernandez) newspaper tackles very sensitive issues and it is not remote that they have aggrieved some people,” ani Querol kung saan ay binigyan na nila ng security escort si Fernandez at sinusuri na rin ang mga isyu na sinulat nito sa The Guardian upang malinawan ang insidente.
- Latest
- Trending