MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa limang negosyante habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang mula sa lawless group sa bayan ng Mohamad Ajul, Basilan noong Lunes ng hapon.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Regional Director Chief Supt. Bienvenido Latag, kabilang sa mga napaslang ay sina Samuel Gumanam, Nestor Bagares, Larry Bagares, William Tecson, at si Ajanulla Talib.
Nasa kritikal namang kondisyon si Alexander Balaba na kasalukuyang ginagamot sa St. Peter Hospital.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na bandang alas-2:30 ng hapon habang ang mga biktima na nagtitinda ng mga kutson para sa kama at iba pa ay lulan ng puting Izusu Elf truck (GSK 830) nang ratratin.
Sa tala ng pulisya, kabilang sa lawless group na may modus-operandi sa Basilan ay ang grupo ng mga bandidong Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front (MILF) rogue elements.
Pinaniniwalaang robbery/holdup ang isa sa motibo ng insidente.