Reporter hinaras ng PNP officer

LUCENA CITY , Philippines   — Hindi pa man natatapos ang mga kontrobersiya na mga kaso ng pulis, isa na namang opis­yal ng pulisya sa Quezon PNP provincial office ang nireklamo sa pamunuan ng National Union of Journalist of the Philippines dahil sa panghaharas sa isang reporter. 

Pormal na ipinarating ni Jhonny Glorioso, 66, correspondent ng ABS-CBN, DZmm-Radio ang kanyang reklamo sa NUJP Manila at Quezon Chapter laban kay P/Supt Ramon Balaoag, hepe ng Provincial Intelligence Branch ng QPPO. Nabatid na si Glorioso ay nagpa-follow-up ng ulat noong umaga ng Enero 6, 2011 sa opisina ng QPPO kaugnay sa naganap na pagkakadakip kay Tirso Alcantara alyas Ka Bart. Nang mapadaan si Glorioso sa opisina ng opisyal ay namataan niya sa loob ang aide ni Ka Bart na si Apolonio “Ka Popoy” Cuarto na nakapiring ang mga mata, nakaposas at pinapipirma sa papel.

Gayon pa man pumasok si Glorioso sa loob upang alamin ang kaganapan kung saan nagulat si Balaoag sa presensya ng una sa loob ng opisina. Kaagad na dinaklot sa dalawang balikat si Glorioso at itinulak palabas ni Balaoag na pasigaw na nagpupuyos sa galit. Kinon­dena naman ng NUJP-Quezon sa pamumuno ni Ronilo Dagos ang inasal ni Balaoag laban sa kanilang miyembro.

Show comments