Mag-ina patay sa flashflood
MANILA, Philippines - Patay ang isang mag-ina makaraang tangayin ang mga ito ng malakas na agos ng tubig sa pananalasa ng flashflood sa lalawigan ng Albay, ayon sa opisyal kahapon.
Kasabay nito, isinailalim na ni Albay Governor Joey Salceda ang buong lalawigan ng Albay sa state of calamity bunga ng patuloy na mga pag-ulan simula pa noong Disyembre 24 hanggang sa kasalukuyan na nagdulot ng flashflood at landslide.
Kinumpirma ni National Disaster Risk and Reduction Council (NDRRC) Executive Director Benito Ramos, ang pagkasawi ng mga biktimang sina Lolita Dapdap at anak nitong si Antonio Dapdap, 50-anyos; pawang residente ng bayan ng Manito.
Ang bangkay ng mag-ina ay magkakasunod na narekober ng search and rescue team kahapon ng umaga.
Ang mag-ina ay tumatawid kamakalawa dakong alas-5:45 ng hapon sa spillway ng Manito pabalik na sa evacuation center matapos ang mga itong ilikas nang tangayin ng rumaragasang tubig baha na sinabayan pa ng landslide sa naturang lugar.
Sa kasalukuyan nasa 800 pamilya o kabuuang mahigit 4,000 katao na ang kinakanlong sa evacuation center ng lalawigan bunga ng flashflood at landslide.
Samantala, inilikas na rin ang ilang mga residente sa lalawigan ng Sorsogon na aabot sa 170 pamilya mula sa mga bayan ng Juban at Magallanes.
- Latest
- Trending