Bahay ng chairman niransak ng NPA
MANILA, Philippines – Sinalakay at pinagnakawan ang bahay ng barangay chairman sa patuloy na paghahasik ng lagim ng mga rebeldeng New People’s Army sa Brgy. Old Macopa sa bayan ng Manay, Davao Oriental, kamakalawa. Hindi pa nakuntento sa bahay ni Chairman Romeo Antoling Sr. ay niransak din ang bahay ng anak nitong si Romeo Antoling Jr.
Base sa ulat, nagpanggap na mga sundalo ang mga rebeldeng lulan ng truck na pag-aari ng Integrated Forest Management kung saan kinomander sa Brgy. Ignacio.
Walang nagawa ang driver na si Dindo Rapesa matapos na tutukan ng baril at atasan ng mga rebelde na dalhin sila sa bahay ni Brgy. Chairman Antoling Sr.
Kabilang sa tinangay ng mga rebelde ay P35,000 halaga ng mga alahas, P20,000 cash, dalawang shotgun, cal. 45 pistol, mga bala at iba pa.
Nagsitakas ang mga rebelde lulan ng dalawang sasakyan na pag-aari nina Allan Niez at Chairman Antoling na tumahak patungo sa direksyon ng Sitio Libuak, Brgy. Old Macopa.
- Latest
- Trending