MANILA, Philippines - Tatlong bata ang kumpirmadong nasawi makaraang malunod sa palaisdaan sa Barangay Nalsian Sur sa bayan ng Bayambang, Pangasinan kamakalawa. Tumagal pa ng ilang oras bago lumutang ang mga bangkay nina Nico Bughaw, 5; Analisa Sarmiento, 5; at Alexander Llego, 4. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-10:30 ng umaga nang mamataang naglalaro ang tatlo sa bisinidad ng palaisdaan na pag-aari ni Rolly Rodriguez. Lumilitaw sa imbestigasyon na aksidenteng nadulas at nahulog sa palaisdaan ang mga bata habang magkakahawak-kamay.