MANILA, Philippines - Dahilan ayaw paawat sa inuman, binaril at napatay ang isang Army Lieutenant ng isa sa dalawa nitong tauhan sa gitna na rin ng masayang inuman sa pagdiriwang ng kaarawan sa Brgy. Poblacion, San Miguel, Zamboanga del Sur, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni Army’s 1st Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Romeo Lustestica ang nasawing biktima na si 1st Lt. Orlando Galutera, team leader ng Special Operations Team ng Army’s 35th Infantry Battalion (IB) ng 102nd Infantry Brigade.
Nahaharap naman sa kasong kriminal ang mga tauhan nitong sina Corporals Rey Galarpi at Rolando Serencio.
Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Lustestica na nagdiriwang ang tropa sa kaarawan ni Galarpi dakong alas-3:49 ng hapon may 2 araw na ang nakalilipas sa nasabing lugar ng sawayin ito ng biktima dahilan masyado ng maingay matapos na malasing at pinagsabihang matulog na lang.
Sa puntong ito ay biglang dinampot ni Serencio ang kaniyang M 16 rifle at pinagbabaril si Galutera na tinamaan sa ibabang bahagi ng tadyang at iba pang bahagi ng katawan na siya nitong dagliang ikinasawi.
Mabilis namang tumakas ang dalawang enlisted personnel tangay ang tatlong M16 rifle at dalawang M14 rifle.
Ayon kay Lustestica, unang sumuko si Galarpi bitbit ang isang M16 rifle at isang M14 rifle kung saan may sugat ito sa kanang hita at likuran matapos umanong barilin ni Serencio na sumurender rin at nagsuko ng tinangay na mga armas dakong alas-6 ng umaga.
Itinurnover na ang dalawang sundalo sa kustodya ng pulisya sa bayan ng San Miguel kaugnay ng kinakaharap ng mga itong kasong kriminal.