1 patay, 16 sugatan sa umatras na jeep
ANTIPOLO CITY, Rizal, Philippines — Isang 55-anyos na ginang ang nasawi habang sugatan naman ang 16 na pasahero ng isang jeep makaraang mawalan ito ng preno at dumausdos pababa sa matarik na kalsada bago sumalpok sa isang pader, kamakalawa ng umaga sa lungsod na ito.
Kinilala ni Rizal PNP director P/Sr. Supt. Manuel Prieto ang nasawing biktima na si Violeta Gumapac, may-asawa, residente ng Sitio Pinagminahan, Barangay San Luis ng nasabing lungsod.
Isinugod naman sa Antipolo District Hospital ang mga sugatang pasahero ng nasabing jeepney.
Agad namang sumuko sa pulisya ang driver ng jeep na si Manuel Badango, 64-anyos, may asawa, negosyante at residente naman ng #1415 Casamias st., Sampaloc, Manila.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong ala-1:20 ng hapon sa La Salle Avenue, Town and Country Homes, Sitio Pinagminahan, Brgy. San Luis, Antipolo City.
Nabatid na nakatayo ang biktima sa gilid ng kalsada nang maatrasan at mapailalim sa umatras na pampasaherong jeep na minamaneho ni Badango.
Paakyat sa matarik na kalsada ang jeep nang biglang mawalan ito ng kontrol at preno hanggang sa dumausdos ito pababa at mabangga ang nasawi.
- Latest
- Trending