Manunumpang chairman, ina nilikida

NUEVA VIZCAYA, Philippines – Isang araw matapos mapaslang ang dalawa-katao kabilang ang kandidatong barangay chairman ay umarangkada uli si kamatayan kung saan isang nanalong barangay chairman na manunumpa sa unang araw ng Disyembre ang pinagbabaril din kasama ang kanyang ina sa patuloy na karahasang nagaganap sa bayan ng Alicia, Isabela kahapon ng umaga.

Kinilala ang mag-inang napatay na sina Chairman Alfredo Salvador, 56; at Virginia Salvador na kap­wa nakatira sa Barangay Bagong Sikat sa bayan ng Alicia, Isabela.

Sa ulat ni P/Chief Insp Genato Birung, hepe ng Alicia PNP, naganap ang pamamaril bandang alas-11:30 ng umaga habang ang mag-ina ay lulan ng traysikel at bumabagtas sa highway ng Barangay Bagnos.

Lumilitaw na sinundan ng motorcycle-riding gunmen ang mag-ina saka niratrat.

Si Alfredo na nahalal bilang barangay chairman ay nakatakdang manumpa at manungkulan kabilang ang ilan pang mga opisyal ng barangay sa Miyerkules (Disyembre 1).

Samantala, isinailalim naman sa control ng Commission on Elections (Comelec) ang bayan ng Palanan matapos napatay ang kandidatong barangay chairman na si Ave Salasar at kasamang si Junior Lanioza na kapwa nakatira sa Barangay Marikit.

“We already asked the Comelec to have Palanan under its control until the end of the special elections period in the area,” pahayag ni P/Senior Supt Jimmy Rivera, provincial police director.

Ayon sa ulat, inimbitahan naman ng pulisya si Barangay Chairman Wilmer Atienza matapos masangkot ang kanyang pangalan sa pagpatay sa dalawa.

Ang mga bayan ng Pa­lanan, Divilacan at Maconacon ay nakatakdang magdaos ng barangay at SK eleksiyon bukas (Nob. 20) matapos ipagpaliban bunsod ng pinsala na iniwan ng super typhoon Juan.

Show comments