Shootout: 2 haydyaker todas

MANILA, Philippines - Napaslang ang dalawang miyembro ng notoryus na hijacking gang makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng PNP Highway Patrol Group sa kahabaan ng Olongapo-Gapan Highway sa bayan ng Bacolor, Pampanga kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat na nakarating kay P/ Chief Supt. Leo­nar­do Espina, director ng HPG, hinaydyak ng dalawa ang Isuzu truck (PRH-552) na may steel pipe na nagkakahalaga ng P.5 milyon sa 5th Avenue, Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kaagad naman inalarma ang mga himpilan ng pulisya kung saan namataan ang truck sa bahagi ng Malinta, Valenzuela City papasok sa North Luzon Expressway patungong Bulacan at Pampanga.

Gayon pa man, sumunod na naispatan ang truck kahapon ng madaling-araw sa Olongapo-Gapan Highway sa bayan ng Bacolor, Pampanga subalit hin­di huminto sa inilatag na checkpoint at sa halip ay binangga ang road signage at pinaputukan ang mga pulis.

Napilitang habulin ng mga operatiba ng pulisya hanggang sa mauwi sa shootout kung saan napatay ang dalawa.

Show comments