Doktora sa BGH inireklamo
BALANGA CITY, Bataan, Philippines — Isang doktora ng public hospital na naningil ng professional fee ang sinampahan ng kaso ng 3 biktima nito sa Bataan Prosecutor’s Office.
Ang inireklamo ay nakilalang si Dra. Emelita Firmacion, OB-Gyne head ng Bataan General Hospital. Inireklamo ito ng paglabag sa anti-graft and corrupt practices act bukod sa reckless imprudence resulting to serious physical injuries.
Ang nagharap ng reklamo ay sina Jonamay Martinez, Cindy Daal at Mary Grace Zorilla.
Ayon kay Martinez, nagtungo silang mag-asawa sa hospital para kausapin ang doktora kaugnay ng kanyang panganganak sa pamamagitan ng ceasarian pero sinabihan sila ni Firmacion na magtungo na lamang sa isang private hospital kung saan niya ito puwedeng paanakin kaysa sa provincial hospital kung saan ay siningil sila ng doktora ng P15,000 professional fee.
Ayon naman kay Daal nagpanggap umano si Firmacion na siya ay may authority power o kuwalipikasyon upang mag-private practice na naging daan upang magbayad sila ng professional fee na P16,000 matapos siyang operahan sa matris.
Sinabi naman ni Zorilla siya man ay siningil din ni Firmacion ng halagang P15,000 sa kanyang panganganak ng ceasarian nang operahan siya sa loob ng BGH na dapat sana ay libre dahil mayroon siyang Philhealth card.
Ipinaliwanag ni Dra. Glory Baltazar, Officer in Charge sa BGH, ang lahat ng medical specialist na mayroong permanenteng posisyon sa lahat ng publikong hospital ay maaari lamang magsagawa ng private practice sa kanilang propesyon matapos ang office hour at dapat mayroong authorization mula sa tanggapan ng Secretary of Health o sa kanyang authorized representative.
- Latest
- Trending