2 hepe ng pulisya sibak sa jueteng
MANILA, Philippines - Dalawa pang hepe ng pulisya ang sinibak sa Southern Tagalog Region kaugnay ng ipinatutupad na ‘one strike policy’ laban sa illegal number game na jueteng.
Ipinag-utos ni Calabarzon PNP director P/Chief Supt. Samuel Pagdilao ang administrative relief at pagsasailalim sa imbestigasyon laban kina P/Supt. Ferdinand Castro, hepe ng San Pablo City PNP at P/Senior Inspector Noel Carias, hepe ng Alaminos PNP sa Laguna.
Lumilitaw na sinalakay ng mga operatiba ng Counter Intelligence Division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahagi ng Brgy. San Ignacio, San Pablo City, Laguna kung saan ay nakasamsam ng mga jueteng paraphernalia habang 14-katao naman ang nasakote.
Samantala, noong Oktubre 14 ay sinalakay din ng mga tauhan ng NBI ang bayan ng Alaminos, Laguna at nasakote ang 10-katao at nakasamsam ng mga jueteng paraphernalia.
Ipinatawag ni Pagdilao ang lahat ng provincial director at hepe ng pulisya sa CALABARZON kung saan inatasang gawing 100 % jueteng free ang kani-kanilang nasasakupang lugar alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo.
Magugunita na naunang nasibak sa puwesto sina P/Chief Inspector Peter Madria ng Cabiao PNP at P/Senior Inspector Florentino Cuevas ng Lupao PNP sa Nueva Ecija at isinailalim sa administrative relief.
- Latest
- Trending