'Tulak' ng droga, itinumba

MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang onse­han sa droga ang ugat ng pama­maril at pagkakapatay sa isang babaeng hinihina­lang ‘tulak’ ng droga ng da­lawang hindi pa nakilalang armadong lalaki na lulan ng motorsiklo sa Bantay, Ilocos Sur kama­kalawa.

Namatay noon din sa pi­nangyarihan ng krimen ang biktimang si Rowena Ra­mos-Pipo, residente ng Brgy. Bo­quig, Bantay ng lalawi­gang ito.

Sa report ng Ilocos Sur Police, naganap ang insi­dente sa kahabaan ng Zone 3 sa nasabing bayan.

Ayon sa imbestigasyon, kabababa lamang ng biktima sa tricycle sa harapan ng bahay ng kaibigan nito nang bigla itong hinintuan ng da­lawang salarin na magka­angkas sa motorsiklo.

Agad na bumunot ng baril ang mga suspect at pinapu­tukan ang biktima na napu­ruhan sa dibdib na siya ni­tong dagliang ikinamatay.

Nabatid na bibisitahin sana ni Pipo ang isa nitong ka­ibi­gan sa lugar ng mang­yari ang insidente.

Sa tala ng pulisya, si Pi­po ay kabilang sa mga per­so­nalidad na nasa watchlist ng mga awtoridad kaugnay ng ilegal na pagbebenta ng bawal na gamot.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.

Show comments