12-anyos ibinugaw sa mayor
OLONGAPO CITY, Philippines — Nasa balag ng alanganing masuspendi sa puwesto at makulong ang isang alkalde sa bayan ng San Marcelino sa Zambales matapos magsampa ng reklamo ang mga magulang ng 12-anyos noong Linggo.
Base sa naantalang ulat ni P02 Lolita Dela Cruz na isinumite kay P/Chief Insp. Cesar Cabling, hepe ng Olongapo PNP Station 1, kinilala ang suspek na si San Marcelino Mayor Jose Rodriguez (Partido Lakas-Kampi).
Sa paunang pagsisiyasat, lumilitaw na noong Linggo ng hapon (Sept. 12) ay ibinugaw ng isang alyas Jodie ang biktima kay Mayor Rodriguez sa halagang P5,000.
Napag-alamang nadiskubre ng ina ang transaksyon matapos mabasa ang mga text messages na ipinadala ni Jodie sa cellular phone ng biktima na naiwan nito sa bahay sa East Tapinas, Olongapo City.
Sa ilang text messages ni Jodie sa biktima na ibubugaw siya kay mayor kung saan sila magkikita sa terminal ng bus sa Olongapo City.
Dito na humingi ng tulong ang ina ng bata kay Cabling na agad namang nakipag-ugnayan sa Olongapo City Social Welfare and Development Office at mga pulis-San Marcelino.
Natunton naman ang biktima sa resthouse ng mayor sa Barangay Linusungan sa San Marcelino
Gayon pa man nagulat ang mga magulang ng biktima at ilang tauhan ng Stand Anti-Violence Now, Yukobari Foundation, Buklod Center, Wed Pro at CSWD na hindi inimbitahan at inaresto si Mayor Rodriguez.
Nagsampa na ng kaukulang kaso noong Lunes ang ina ng biktima kasama ang ilang kawani ng OCSWD habang sumailalim na medical examination sa James Gordon Memorial Hospital ng biktima.
Makailang ulit na tinangkang kontakin ng PSNgayon ang nabanggit na alkalde para magbigay ng panig ngunit hindi na ito mahagilap at maging ang tanggapan nito ay hindi na tumatanggap ng panauhin.
- Latest
- Trending