MANILA, Philippines - Isa sa mga kidnaper ng negosyante ang iniulat na napaslang matapos makipagbarilan sa mga awtoridad sa bahagi ng Barangay Lumbac sa bayan ng Pualas sa Lanao del Sur kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Khalid Saripada Pansar na sinasabing isa sa dumukot sa negosyanteng si Abdulcarim Magarang noong Agosto 31 sa Ampuan Street, Barangay Lilod Madaya sa Marawi City. Una nang humingi ng tulong ang magsasakang si Ustadj Andalawan Hadji Salic sa mga awtoridad makaraan itong paputukan ng grupo ni Pansar.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at naabutan sina Pansar na nagresulta sa ilang minutong bakbakan.
Nauna nang humingi ng P2 milyon ransom ang mga kidnaper kapalit ng kalayaan ni Magarang.