TANAUAN CITY, Batangas, Philippines — Madamdaming humingi ng paumanhin ang pamilya ni P/Senior Inspector Rolando Mendoza sa mga naulilang pamilya ng Hongkong nationals kaugnay sa naganap na Quirino grandstand siege noong Lunes ng umaga. Habang nasa lamay ni Mendoza sa Barangay Banadero, lumuluhang humingi ng paumanhin si Efren Mendoza, tiyuhin ng hostage-taker, sa mga pamilya ng walong nasawi at iba pang nasugatan sa insidente. Nanawagan din si Mendoza sa International Community na huwag muna silang kondenahin habang hindi pa lumalabas ang resulta ng imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan. Umapela din si Efren kay Pangulong Noynoy Aquino at sa pamunuan ng Philippine National Police para sa impartial investigation. Sinisi rin ni Efren ang mga pulis na umaresto sa kapatid ni Capt. Mendoza na si SPO2 Gregorio Mendoza na naging mitsa para magwala ang pamangkin nang mapanuod sa telebisyon.
Nakatulong din sana anya sa nagosasyon ang anak na pulis na si Inspector Bismark Mendoza kung naiuwi lang kaagad ito sa Maynila.
“Hindi pinagbigyan ng pamunuan ng pulisya na madala kaagad sa Maynila ang anak ng aking pamangkin na manggagaling pa sa Abra, sigurado akong makikinig sa kanyang anak ang aking pamangkin,” kwento ni Mendoza Hindi pinahiram ng helicopter ng gobyerno si Bismark na manggagaling pa sa Abra papuntang Maynila.-” Kung nadala sana nila kaagad ang anak ng pamangkin ko baka hindi humantong sa trahedya ang situation,” pahayag pa ni Efren. Pilit nagpapa-reinstate si Capt. Mendoza sa serbisyo para makatakbong barangay captain sa kanilang lugar kapag ito ay nagretiro.