MANILA, Philippines - Apat-katao kabilang ang dalawang pulis na bus marshalls ang iniulat na napaslang matapos na papilahin at i-firing squad ng mga rebelde na humarang at sumunog sa pampasaherong bus sa Lanao del Norte kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ng hepe ng Army’s 1st Infantry Division na si Major Romeo Luthes tica ang dalawang pulis na sina PO3 Rosalito Obatay at PO3 Jovito Cabigas.
Napatay din ang driver na si Jaime Dulayhunsod at ang konduktor na si Arkie Bastasas kung saan ang bus ay bumibiyaheng Cagayan de Oro City patungong Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Bandang ala-una y bente ng madaling-araw nang harangin ang RTMI bus na may body number 1516 sa kahabaan ng highway ng Brgy. Balili, Kapa tagan, Lanao del Norte ng mga armadong rebelde na naglatag ng checkpoint.
Agad na sumampa sa bus ang mga rebeldeng nakasuot ng uniporme ng pulis at sundalo kung saan pinababa at pinapila ang lahat ng sakay nito.
Kasunod nito, inunang niratrat ang dalawang pulis saka isinunod ang dri ver at konduktor ng bus habang pinatakbo naman ang mga pasahero habang nagpapaputok ng baril sa ere.
Hindi pa nakuntento ay sinunog pa ng mga rebelde ang bus saka nagbantang masusundan ang insidente kung hindi magbabayad ng P25 hanggang P50 milyon ang may-ari ng bus bilang kabayaran sa pagkamatay ng apat nilang tauhan na nabundol nito sa bayan ng La Libertad, Misamis Occidental may ilang buwan na ang nakalilipas.