MANILA, Philippines - Isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang napatay matapos na tambangan at pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Brgy. Talamban, Cebu City.
Kinilala ang biktima na si Ciriaco Salazar, 49- anyos, DPWH Project Engineer.
Idineklarang dead-on- arrival ang biktima sa North General Hospital sanhi ng tinamong tatlong tama ng bala sa ulo at katawan.
Batay sa report ng tanggapan ni Cebu Provincial Police Office chief Sr. Supt. Erson Digal, naganap ang insidente bandang alas-7 kamakalawa ng gabi sa Villa Rio Uno Subdi vision, Cebu.
Pauwi na ang biktima sa kanilang tahanan at minamaneho ang Isuzu Crosswind kasama ang misis nito nang biglang sumulpot ang dalawang armadong kalalakihan na lulan ng motorsiklo.
Dinikitan ng mga suspek ang ‘driver’s side’ saka pinagbabaril ang biktima kung saan nasa ‘state of shock’ naman ang maybahay pero nakaligtas naman sa insidente.
Nabatid na ang biktima ay nakatalaga sa DPWH 4th Engineering District sa Dalaguete, Cebu.
Narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari upang matiyak ang motibo ng pamamaslang. (with trainees Rafael Zapanta/Mary Joy Mondero/Mary Ann Chua)