600 minahan sinuspinde ni Gov. Ebdane
ZAMBALES, Philippines – Ipinag-utos ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. ang suspension sa lahat ng mining and quarrying operations habang nirerebisa ang mga permit at compliance ng mga operator sa mga itinakdang environmental protection.
Ang naturang kautusan ay ipinalabas ng gobernador kung saan nag-inspeksyon din ito sa mga mining at quarry sites sa Zambales noong nakalipas na Linggo.
Nakasaad sa executive order na hindi nasusunod ang mga probisyon at nalalabag ang nakasaad sa mga naunang mining permit at wala rin konsiderasyon sa environmental protection ang ilang nabigyan ng permiso.
Ibinase ang kautusan sa itinatadhana ng 2007 provincial ordinance na nagtatakda sa kapangyarihan ng gobernador na mag patigil, magkansela at mag-revoke ng mga mining and quarry permit kung kinakailangan.
Umaabot sa 600 small-scale mining operations sa Zambales, kung saan libu-libong manggagawa ang nakikinabang subalit marami ring nagrereklamo sa iresponsableng pagmimina.
Ayon kay Ebdane, kabilang sa pinsalang dulot ng iresponsableng pagmimina ay ang soil erosion, watershed destruction at mga pagbaha.
- Latest
- Trending