Pulis-HPG nangholdap tinodas
BATANGAS, Philippines — Sementeryo ang binagsakan ng isang 31-anyos na pulis-Highway Patrol Group na sinasabing holdaper makaraang mabaril ng isang negosyante na kanyang hinoldap sa bisinidad ng Batangas City, Batangas kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas PNP director ang napatay na si PO2 Royson Hernandez ng Barangay Hipit, San Nicolas, Batangas at nakatalaga sa HPG Region 4-A.
Sugatan din ang negosyanteng si Ruel Cortiguerra, 39, ng Brgy. Tambo, Lipa City at naisugod sa Mary Mediatrix Medical Center sa Lipa City.
Lumilitaw na nag-aantay si Cortiguerra sa gasolinahan sa Barangay Balagtas para makipagtagpo sa isang Joey na nagbebenta ng sasakyan.
Imbes na si Joey ang dumating, si PO2 Hernandez ang kumausap kay Cortiguerra para samahan at makita ang binibiling Mitsubishi Adventure.
Gayon pa man, hindi pa nakakalayo ang dalawang lulan ng kotse patungong Barangay Banaba South, bumunot ng baril si PO2 Hernandez at itinutok kay Cortiguerra sabay inanunsyo ang holdup.
Nang tumanggi ang biktimang ilabas ang pera, hinampas ng baril ni PO2 Hernandez hanggang sa halos mawalan ito ng malay.
Dadamputin na sana ni PO2 Hernandez ang pera na nakatago sa ilalim ng upuan nang masung gaban ni Cortiguerra ang baril ng pulis hanggang sa magpambuno at mabaril ang HPG.
Mabilis na sinipa ni Cortiguerra papalabas ng kotse si PO2 Hernandez at agad namang sumuko sa pulisya.
- Latest
- Trending