Mag-asawa, 2 anak dinukot ng MILF
MANILA, Philippines - Binalot ng tensiyon ang maliit na komunidad makaraang dukutin ang mag-asawa at dalawang anak nito sa panibagong paghahasik ng karahasan ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) rouge elements na kaalyansa ng maimpluwensyang angkan sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat kamakalawa.
Nagsasagawa na ng rescue operation ang mga awtoridad para mailigtas ang mag-asawang Francisco Javier, 30; Joy Javier, 26; at dalawang anak na sina Imbok, 4; at Francisco, 2. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa Sitio Kolomono, Brgy. Villamonte kung saan lumusob ang armadong grupo ng MILF rogue elements na pinamumunuan ni Commander Tammy Maliga.
Ayon sa ulat, ang grupo ni Maliga ay may alyansa sa angkan ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan na kabilang sa itinuturong mastermind sa Maguindanao massacre na ikinasawi ng 57-katao kabilang ang 32 mediamen noong Nobyembre 23, 2009.
Pinaniniwalaang ginamit na human shield ng grupo ni Maliga ang pamilya Javier sa pagtakas laban sa tumutugis na tropa ng military.
Tinangay din ng mga rebelde ang dalawang alagang baka at walong kambing ng mga residente.
Tumakas ang mga rebelde patungo sa direksyon ng Sitio Kasam, Brgy. San Jose, South Upi.
- Latest
- Trending