MANILA, Philippines - Nilooban ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Akyat Bahay/Gapos gang ang isang restaurant na natangayan ng humigit-kumulang sa kalahating milyong piso habang isa sa mga waitress nito ang binastos ng isa sa mga suspek sa San Fernando City, Pampanga, ayon sa ulat kahapon.
Arestado naman sa follow-up operations ang tatlong suspek na sina Arnel Samson alyas Baba; Benito Dizon at Tantan Acabal Kadusale; pawang residente ng 11th Avenue, Barangay Amsic, Angeles City ng naturang lalawigan.
Batay sa report ng Pampanga Provincial Police Office, dakong alas-2 ng madaling araw nang pasukin ng dalawang armadong kalalakihan ang Chakula Grill and Restaurant sa kahabaan ng MacArthur Highway sa lungsod.
Agad nilang iginapos ang tatlong biktima na kinabibilangan nina Elbert Ellaga, Jennifer Sapigao at ang minolestiyang itinago sa pangalang Annabel.
Nilimas ng mga suspek ang cash na kinita ng restaurant, cellular phone, mga alahas, lights at sounds equipment ng establisyemento kung saan habang nakagapos ay pinaghahawakan sa maseselang bahagi ng katawan si Annabel na dinaliri pa umano ni Samson.
Iniulat naman ni Rogie Quito alyas Tisoy, 40-anyos, may-ari ng Tisoy Sounds and Video na matatagpuan sa Stall No. 4, Dau Plaza, Dau, Mabalacat, Pampanga na ibinenta ng isang alyas Baba ang mga lights and sounds equipment sa kaniya na umaabot sa P300,000.00 ang halaga.
Nang matanggap ang impormasyon ay agad na nagsagawa ng operasyon ang Pampanga Criminal Investigation and Detection Team sa pamumuno ni Chief Inspector Randy Silvio na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek sa Barangay Amsic.
Positibo namang kinilala ni Annabel na si Samson ang nangmolestiya sa kaniya habang nakagapos. Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang cal. 38 revolver na puno ng mga bala.
Sa tala ng mga awtoridad, ang Dizon Akyat Bahay/Gapos gang ay nagpapanggap na mangongolekta ng mga basura saka igagapos ang mga target ng mga itong biktimahin.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong robbery with intimidation habang karagdagan namang kasong rape laban kay Samson. Joy Cantos