BATANGAS CITY, Philippines — Napaslang ang sinasabing suspek sa pagpatay sa hepe ng pulisya ng Batangas makaraang makipagbarilan sa mga alagad ng batas sa bayan ng Malvar, Batangas kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang napatay na miyembro ng Hidalgo Group na si Nonilon Linga, 37, ng Barangay Bulihan, Malvar, Batangas.
Ayon kay P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director maghahain sana ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Arcadio Manigbas ng Tanauan City Regional Trial Court Branch 6 laban kay Linga nang makipagbarilan ito sa mga awtoridad.
Nahaharap din si Linga sa isa pang kaso ng murder at robbery with homicide sa Tanauan City bukod pa sa pagpatay sa hepe ng pulisya na si P/Senior Insp. Ramonchito Pecho De Chavez noong Hunyo 10, 2009.
Mariin namang pinabulaanan ng mga kaanak na lumaban si Linga sa pulisya dahil nasa ilalim na ito ng kama at walang baril nang siya ay pagbabarilin.
Subalit iginiit naman ng pulisya na nakarekober sila ng Llama cal. 45 pistol mula sa suspek na ginamit sa shootout. Arnell Ozaeta