BoC bigong ipasara ang Shell-Batangas
BATANGAS CITY, Philippines – Nabigong ipasara ng Bureau of Customs (BoC) ang Pilipinas Shell refinery sa Batangas City makaraang makakuha ng 3-raw na temporary restraining order (TRO) mula sa regional trial court sa Batangas City kahapon.
Ayon kay Arnel Santos, general manager ng Shell’s refinery sa Batangas, premature ang gagawing pangungumpiska ng BoC sa kanilang raw materials dahil patuloy pa anya ang ginagawang hearing sa Court of Tax Appeals (CTA).
Bukod doon, nakakuha pa ng 72-hours temporary restraining order ang Shell mula kay Judge Ruben Galvez ng Batangas Regional Trial Court para ipatigil ang pagpapatupad ng seizure order ng BoC.
Nag-ugat ang kaguluhan matapos igiit ng BOC ang pangongolekta ng buwis sa Shell ng P7.34-bilyon para sa pag-iimporta ng oil company sa kanilang catalytic cracked gasoline (CCG) mula noong 2004 hanggang 2009.
Tumangging magbayad ng excise tax ang Shell dahil iginigiit nito na ang catalytic cracked gasoline ay raw materials lang na inihahalo sa paggawa ng kanilang gasoline kung saan pinaninindigan ng Shell na ang raw materials ay exempted sa excise tax. Ayon naman sa BOC, inaakusahan naman nito na nagkaroon ng misdeclaration sa importation ng produkto ng Shell dahil hindi daw pwedeng i-classify na raw materials ang CCG na ginagamit nila dahil ito daw ay maituturing na finished product na at kailangang bayaran ang excise tax.
Nauna nang nagpalabas ng 60-days temporary restraining order (TRO) ang Court of Tax Appeal para pigilan ang BoC na kumpiskahin ang importation ng Shell na P43 bilyon.
Napaso ang TRO ng CTA noong Martes at natalo rin ang motion for injunction ng Shell kaya sumugod kahapon ang mga tauhan ng BoC sa Shell Batangas refinery para kumpiskahin ang mga produkto pero nabigo sila nang mapigilan ng TRO mula naman sa RTC- Batangas.
Ayon naman kay Batangas Customs Collector Juan Tan, hindi hurisdiksyon ng RTC ang usapin dahil ang Court of Tax Appeal lamang, ang may kapangyarihang magresolba ng naturang usapin.
“This is a clear forum shopping, those who filed (for a temporary restraining order) from Shell should be held for contempt,” ani Tan.
- Latest
- Trending