CAMP SIMEON OLA, Legazpi City , Philippines — Dead-on-the-spot ang isang misis at nasa malubha namang kalagayan sa pagamutan ang mister nito matapos masalpok ng isang truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kahabaan ng kalsada ng Zone 3, Barangay Agos, Bato, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang nasawing misis na si Francia Ibarrientos, nasa hustong gulang, samantala ang sugatan na mister na kaagad naman na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ay si Dennis Ibarrientos, nasa hustong gulang, driver ng motorsiklo at residente ng naturang lugar.
Ang driver ng truck na kaagad naman na naaresto ng mga pulis ay kinilalang si Jener Flororita, 27, may asawa, residente ng Barangay Himagtocon, Lagunoy, Camarines Sur.
Ayon sa ulat, ang aksidente ay naganap dakong alas-5:44 ng hapon ha bang ang mag-asawang biktima ay nakasakay sa kanilang bagong biling motorsiklo.
Habang binabagtas nila ang kahabaan ng kalsada ay bigla na lamang itong lumiko sa kaliwa hanggang salpukin ng truck.
Tumilapon nang ilang metro ang babae na tumama ang ulo sa kalsada na tinatayang siyang naging sanhi ng agarang kamatayan nito. Ed Casulla