2 empleyada inulan ng bala
CAVITE , Philippines —Dead-on-arrival sa Our Lady of Pillar Hospital ang isang empleyada habang kritikal din ang kasamahan nito matapos na pagbabarilin ng riding in tandem habang pasakay sa traysikel papauwi sa bayan ng Imus ng lalawigang ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Supt. Ulysses Cruz ang namatay na si Janet Nuevo, 33-anyos, nakatalaga sa Sangguniang Bayan ng Munisipyo ng Imus, Cavite habang kritikal naman si Felicitas Hernandez, 51-anyos, empleyada din ng munisipyo.
Sa imbestigasyon ni PO1 Dennis Magsaysay, dakong alas-6:00 ng gabi, papasakay umano ng traysikel ang dalawa papauwi galing sa trabaho sa munisipyo nang bigla na lamang pagbabarilin ng dumaang mga lalaking lulan ng isang motorsiklo.
Dahil mabilis din ang naging pangyayari at pagsibad ng motorsiklo palayo ay hindi namukhaan ng ilang nakaistambay doon kung ano ang pagkakakilanlan sa dalawang suspek.
Agad namang isinugod ng driver ng traysikel ang dalawang biktima na kung saan may tama sa leeg at katawan si Nuevo habang tinamaan naman sa katawan din si Hernandez.
Masusing iniimbestigahan ang nasabing kaso at inaalam pa kung sino ang posibleng kaalitan ng dalawa habang mahigpit namang inutos ni Mayor Manny Maliksi na tutukan ng kapulisan ang imbestigasyon para sa mabilisang mapagkakakilanlan at ikadarakip ng mga suspek. Cristina Timbang
- Latest
- Trending